Naghain ng "NOT GUILTY" plea si RJ Bautista at dalawa pang akusado sa
kasong pagpatay kay Ramgen Revilla at pagbaril sa nobya nitong si
Janelle Manahan.
Si RJ, nakabatatang kapatid ni Ramgen, ang isa sa itinuturong
mastermind sa krimen.
Nakakulong siya ngayon sa Parañaque City jail.
Ang kapatid naman nilang si Ramona "Mara" Bautista, isa pa sa
pinaghihinalaang mastermind sa pagpatay kay Ramgen, ay nakaalis na ng
bansa at hindi malaman ang kinaroroonan ngayon.
Ayon sa report ng ABS-CBN evening news programs na TV Patrol
at Bandila kagabi, Enero 17, bantay-sarado ng Bureau of Jail
and National Penology (BJNP) si RJ sa arraignment nito kahapon.
Bantay-sarado rin daw ang mga kapwa-akusadong sina Michael Nartea at
Francis Tolisora, sa ginawang arraignment ng mga kaso nila na "murder"
at "frustrated murder."
Ito ay kaugnay nga sa pagpatay kay Ramgen at sa pamamaril kay Janelle
noong Oktubre 28, 2011.
ADJUSTING IN JAIL. Hindi tulad noon na nakatakip ang
mukha ni RJ, ngayon ay kitang-kita na ang mukha ng binata at nagagawa
pang ngumiti.
Nang matanong kung bakit hindi na siya naka-maskara ngayon, aniya,
"Lumabas na yung picture ko sa TV, e.
"Wala nang point [ang pagtatakip]."
Nasa courtroom din para magbigay-suporta ang ina ni RJ na si Genelyn
Magsaysay, pati na ang mga kapatid ni RJ na sina Gail, Raijin, at Reuben
Bautista.
Ayon kay Genelyn, "We're still not okay. As long as my son's in jail,
we will not be okay."
LIFE INSIDE THE JAIL. Sa kauna-unahang pagkatataon
ay pumayag sa isang eksklusibo pero maikling panayam si RJ.
Ito ang interbyu ng ABS-CBN News reporter na si Zyann Ambrosio:
Kumusta ka naman?
"I'm very okay."
Kumusta ka naman sa loob ng kulungan?
"Okay lang din. Nakaka-adjust...naka-adjust na for more than two
months."
Kumusta naman ang Christmas mo sa loob?
"Malungkot, siyempre. Pero nakakaano pa rin...kayang-kaya."
Hindi na sumagot si RJ nang matanong kung ano ang wish niya.
"NOT GUILTY." Nang magsimula na ang hearing ay
ipinagbawal na ang mga camera sa loob ng courtroom.
Dito ay naghain ng "NOT GUILTY" plea si RJ at ang dalawa pang suspek.
Mabilis lang ang arraignment, at matapos ito ay nagyakapan na sina RJ
at ang kanyang pamilya.
Napagkasunduan sa korte na sa Marso 1, 2012, ang susunod na pagdinig o
pre-trial ng kaso.
Pero naiinip na ang pamilya Bautista at sinabing tila may delaying
tactics daw ang prosekusyon.
Ayon kay Gail, "Actually, that's too far out. Mas better sana kung
mas napaaga."
Umaasa ang pamilya Bautista na, sa kabila ng halos dalawang buwan
nilang paghihintay bago dininig ang kaso, mapagbibigyan na ang kanilang
kahilingang mapabilis ang paglilitis.
ARREST RAMONA ET. AL. Samantala, kaugnay pa rin ng
Ramgen murder case, iniutos na ng Parañaque Regional Trial Court ang
pagdakip kay Ramona at tatlo pang suspek.
Ito ay sina Ryan Pastera, alyas Bryan, at magkasintahang Norwin dela
Cruz at Glaiza Visda.
Sa ulat ng ABS-CBN News reporter na si Dominic Almelor, agad na
nagpunta ang Parañaque police sa bahay ni Pastera sa Las Piñas kahapon.
Pero ayon sa mga kapitbahay, ilang linggo nang wala si Pastera rito.
Dagdag naman ni Police Chief Inspector Ferjen Torred: "Umalis daw
nung Huwebes [Enero 12], sakay ng sasakyan ni Mrs. [Genelyn] Magsaysay.
"Ibig sabihin, tinulungan talaga nila itong si Ryan Pastera na
makatakas."
Si Ryan ay kaibigan ng mag-asawang Gail at Hiro Furuyama.
Isang beses lang itong sumipot sa piskalya, at may escort na mga NBI
agent.
Hinala ng mga abugado ni Janelle, kinakanlong ng NBI si Pastera.
Batikos ni Atty. Argee Guevarra: "Ang galing-galing nilang samahan
dito si Ryan Pastera. E, dapat alam nila ngayon kung nasaan siya.
"Pag hindi nila na-produce 'yan, yari sila dito sa korte."
Bibigyan ng isang linggo si Pastera upang sumuko bago siya ilagay sa
"Ten Most Wanted Persons" ng Parañaque.
Makikipag-ugnayan na rin daw ang kampo ni Janelle sa Interpol para
madakip si Ramona.
Hihilingin rin daw nila na madaliin na ang pagpapakansela sa
pasaporte ni Ramona.
Kusa namang sumama sa mga pulis sina Norwin at Glaiza nang arestuhin
kahapon sa kanilang lugar.
Sina Norwin at Glaiza ang mga itinuturong kasama nina Pastera at RJ
na umupa ng mga hired killer.
Aminado si Glaiza na may mga hindi pa siya nasabi sa kanyang unang
sinumpaang salaysay.
Pero ngayong arestado na siya, ibubunyag na raw niya ang lahat ng
kanyang nalalaman sa pagkamatay ni Ramgen.
No comments:
Post a Comment