Pages

Monday, May 21, 2012

GMA FILMS WINS ANOTHER LEGAL BATTLE!

Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang GMA Network Films, Inc. sa kasong isinampa nito laban sa isang movie licensor at supplier.

Sa 13-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Stephen C. Cruz noong Abril 30, 2012, binaligtad ng Special 13th Division ng CA ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) na ibasura ang kaso laban kay Ricardo Honrado.

Noong Disyembre 1998, nagkaroon ng TV Rights Agreement ang GMA Films at si Honrado para sa 36 na pelikulang ipalalabas sa GMA 7.


Sa kasunduan, ang mga pelikula ay kailangang aprubahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). At alinmang pelikula na hindi pumasa sa MTRCB ay kinakailangang palitan ni Honrado ng bagong pelikula na aprubado ng magkabilang panig, o ‘di kaya’y ibabawas ang halaga nito sa kabuuang bayad na nakapaloob sa kontrata.

Nagsampa ng reklamo ang GMA Films laban kay Honrado noong Mayo 2003 sa RTC dahil sa hindi nito pagbabalik sa mga ibinayad para sa pelikulang “Evangeline Katorse" at “Bubot."

Hindi tinanggap ng GMA Films ang “Evangeline Katorse" na sinubukan namang palitan ni Honrado ng pelikulang “Winasak na Pangarap."

Ngunit dahil sa “bold movie" rin ang nabanggit na pelikula, tinanggihan din ito ng GMA Films dahil hindi ito nababagay na ipalabas sa telebisyon.

Inireklamo rin ng GMA Films kung bakit P500,000 lamang ang napunta sa may-ari ng “Bubot" gayong P1.25 million ang ibinayad nila kay Honrado para nasabing pelikula.

Hiningi ng GMA Films na ibalik ni Honrado ang kabuuang halagang P2 milyon. Kabilang dito ang P1.25 milyon na ibinayad para sa pelikulang “Evangeline Katorse" at ang P750,000 na balanse sa pelikulang “Bubot."

Ayon sa CA, karapatan ng GMA Films bilang licensee na humingi ng nararapat na kapalit ng pelikulang “Evangeline Katorse" base na rin sa kasunduuan nila ni Honrado. Ang hindi umano pagtanggap ng GMA Films sa pelikulang "Winasak na Pangarap" bilang kapalit ng "Evangeline Katorse" ay nanganguhulugan na dapat itong palitan ng bagong pelikula na aprubado ng parehong partido, o ‘di kaya’y ibalik ang ibinayad ng GMA Films na P1.25 milyon.

Dagdag pa ng korte, walang karapatan si Honrado sa anumang komisyon o halaga bukod sa ibinayad sa may-ari ng “Bubot," dahil licensor lamang siya at hindi may-ari ng pelikula.

Sinabi rin ng CA na nagkamali ang RTC sa paggawad ng attorney’s fees na nagkakahalaga ng P100,000 kay Honrado dahil napilitan lamang magdemanda ang GMA Films para protektahan ang karapatan nito alinsunod sa nakasaad sa kontrata.

Ginawaran ng CA ang GMA Films ng P2 milyon bukod pa sa interest at ibang damages. – FRJ

1 comment: